TAAS-PRESYO | Hamon at iba pang grocery items, nagmahal na

Manila, Philippines – Tumaas na ang presyo ng hamon at ilang grocery items, ilang linggo bago mag-pasko.

Ayon kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. President Steven Cua, kasama sa mga nagtaas ng presyo ngayong Nobyembre ang ilang brands ng processed meat products at sandwich spread, na tumaas ng hanggang 10 porsiyento.

Aniya, ilang snack foods naman ang nagmahal ng hanggang 12 porsiyento.


Sa mga produktong ginagamit naman na panghanda sa Noche Buena, tumaas ng 10 porsiyento ang presyo ng hamon.

Nagkaroon naman ng kaunting paggalaw sa presyo ng spaghetti noodles, tomato sauce at all-purpose cream.

Gayunman, sabi ni Cua, inaasahang hindi na gagalaw ang presyo ng mga grocery item sa Disyembre.

Tiniyak naman ni Cua na sapat ang suplay ng mga Noche Buena product para sa holiday.

Payo naman ni Cua na bukod sa pamimili nang maaga, maging malikhain din sa mga pagkaing ihahanda sa Noche Buena.

Mainam rin aniyang planuhin ang mga bibilhin para hindi mapagastos nang sobra at magkumpara at pumili sa pagitan ng ibat-ibang brands para makatipid.

Facebook Comments