Walang dahilan upang magkaroon ng pagtaas ng presyo ng asukal sa merkado.
Sinabi ito ni Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica sa interview ng RMN Manila kaugnay sa 200 pisong linggo-linggong pagtaas ng presyo sa kada sako ng asukal.
Ayon kay Serafica, tila ginagawang dahilan ng ilang supplier ang pandemya, ang di umano’y pagpupuslit sa asukal at ang pananalasa ni Bagyong Odette sa pagtaas ng presyo nito.
Iginiit nito na walang kakulangan sa suplay ng asukal sa bansa at kung magpapatuloy ang pagtaas sa presyo nito ay gagawa sila ng hakbang upang mai-stabilize ito.
Samantala, inaprubahan na ng DTI ang dagdag presyo sa Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal sa darating na Pebrero 1 kung saan mula sa 35 pesos ay magiging 38.50 pesos na ang presyo ng Pinoy Tasty habang itataas na sa 23.50 pesos ang 10 piraso ng Pinoy Pandesal mula sa dating 21.50 pesos.