Taas sa singil sa kuryente, hiniling ng isang kongresista na gawing pautay-utay

Hiniling ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro sa mga distribution utility (DU) na hatiin o gawing pautay-utay ang nakatakdang pagtataas sa singil sa kuryente para maibsan ang matinding epekto nito sa mga consumer.

Kaakibat nito ay pinapatiyak din ni Castro na walang gagawing disconnection o pagputol sa linya ng kuryente.

Apela ito ni Castro habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Kamara sa napakadalas na red at yellow power alerts sa suplay ng kuryente at ang biglaang shutdown ng halos 50 planta ng kuryente.


Kaugnay nito ay patuloy pa rin na isinusulong ni Castro ang panukalang batas na magtatakda ng pananagutan ng mga generation company tuwing tataas ang singil sa kuryente dahil sa pagpalya ng mga planta.

Giit ni Castro, mahalagang makapagpasa agad ng batas na magbibigay proteksiyon sa mga consumer at hahadlang na mapagkakitaan ang kakulangan sa suplay ng kuryente.

Facebook Comments