Kinalampag ni House Minority Leader Joseph Stephen Paduano ang pamahalaan na itaas ang sahod ng mga government nurses sa bansa.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ng kongresista na dalawang dekada na ang Philippine Nursing Act na nagtatakda ng salary grade 15 o P32,000 na entry level pay ng mga pampublikong nurse.
Pero hanggang sa ngayon anya ay hindi pa ito naipatutupad dahil sa nakasaad na reclassification sa Department of Budget and Management circular na hindi gagalawin ang suweldo ng ibang nurse ngunit tatamaan naman ang kanilang posisyon.
Inihalimbawa ng mambabatas ang sweldo ng Nurse 2 na dati nang tumatanggap ng salary grade 15 kung saan sila ay balik ulit sa Nurse 1 na posisyon.
Ganito rin ang mangyayari sa iba pang nursing levels na ayon kay Paduano ay malinaw na demotion.
Dahil dito, paiimbestigahan ng Minority Leader ang DBM Budget Circular upang malaman kung kailangan ng dagdag na lehislasyon para masunod ang nararapat na taas-sahod sa mga government nurses.