Manila, Philippines – Magpapatupad ng dagdag-singil ang Maynilad at Manila Water sa Hulyo.
Ito ay dahil sa Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) bunsod na rin ng paghina ng piso.
Paliwanag ni Patrick Ty, Chief Regulator ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), dahil nasa dolyar, yen at euro ang utang ng Maynilad at Manila Water, kailangan din nilang i-adjust ang singil sa tubig na ipinapasa naman sa mga consumer.
Matatandaang pinasa ng Manila Water at Maynilad ang utang ng MWSS noon na pawang nasa foreign currency.
Para sa mga consumer ng Manila Water, dagdag-singil na P5.21 ang ipapatong sa kada 10 cubic meter; P11.55 sa 20 cubic meter habang P23.59 naman sa mga komukunsumo ng 30 cubic meter.
Habang ang Maynilad ay magpapatupad ng P0.23 dagdag-singil sa kada 10 cubic meter; P0.86 per 20 cubic meter at P1. 75 per 30 cubic meter.
Ayon pa sa MWSS, posibleng tumaas pa ang singil sa tubig dahil sa rate rebasing na mekanismo para mabayaran ang mga water concessionare sa mga nagastos at gagastusin para mapabuti ang kanilang serbisyo.