Iginiit ni Senator Risa Hontiveros sa Energy Regulatory Commission o ERC na suspendihin ang pagtaas sa singil sa kuryente habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa rotational blackout.
Panawagan ito ni Hontiveros kasunod ng anunsyo ng Manila Electric Co. o Meralco na magtataas ito ng singil ngayong Hulyo.
Ang itinuturong dahilan ng Meralco ay ang patuloy na mataas na charge sa Wholesale Electricity Spot Market, manipis na suplay sa Malampaya gas field at sapilitang pagtigil ng operasyon ng mga planta.
Diin ni Hontiveros, hangga’t walang napapanagot sa nangyaring rotational blackouts ay hindi dapat magdagdag-singil pa sa kuryente.
Paliwanag ni Hontiveros, hindi ito patas sa mga konsyumer na magpapasan na naman sa kapabayaan nila kaya hindi ito dapat hayaan ng ERC bilang regulator.
Hinihiling din ni Hontiveros sa ERC na suspendihin ang panuntunan ng Automatic Generation Rate Adjustment o AGRA.
Sa ilalim ng kontrobersyal na mga alituntunin ng AGRA ay pinapayagan ang mga Distribution Utility na awtomatikong i-adjust nang walang mga petisyon at public hearing ang kanilang generation at systems loss rates kada buwan.