Manila, Philippines – Nilinaw ng Tagum Agricultural Development Company Inc. o TADECO na hindi nila kinikilala ang anumang statements kaugnay sa iringan ng mga kinakasama nila Speaker Pantaleon Alvarez at ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo.
Sa statement na ipinadala ng TADECO kung saan isa sa nagmamay-ari ay si Cong. Floirendo, iginiit dito na hindi otorisado na magsalita para sa kanila si Cathy Binag na kasalukuyang kinakasama ng kongresista.
Nilinaw ni Vicente Floirendo, Senior Vice President at Chief Operating Officer ng TADECO, na hindi konektado si Binag sa kanilang kumpanya at wala itong karapatan na magsalita sa mga affiliates at sa pamilya.
Lahat aniya ng pahayag ni Binag na inilalabas sa media, verbal man ito, written o kahit sa anong paraan, ay maituturing na sariling opinyon nito at walang pahintulot ng TADECO at pamilya Floirendo.
Ang TADECO ay nasa gitna ng kontrobersiya kasunod ng paghahain ni House Speaker Pantaleon Alvarez ng reklamo laban kay Rep. Floirendo sa Office of the Ombudsman at pagpapa-imbestiga ukol sa umano’y kwestiyunableng kontrata ng kumpanya sa Bureau of Corrections para sa taniman ng saging sa Davao Penal Colony.
Gayunman, bukod sa kaso ay lumutang ang usapin ng personal na relasyon nina Alvarez at Floirendo dahil naman sa away ng kani-kanilang mga partner.
Nation”, Conde Batac