Isinulong ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na imbestigahan ng Kamara ang nangyaring pambubugbog sa 17-taong gulang na babae na taekwondo newbie sa kaniyang training sa Bocaue, Bulacan.
Ang hirit na pagsisiyasat ay nakapaloob sa House Resolution No. 1670 na inihain ni Tulfo, kasama sina ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Cong. Eric Go Yap, at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendell Tulfo.
Ayon kay Tulfo ang kanilang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez matapos matanggap ang ulat na nagtamo ng mga pasa at sugat ang 17-anyos na yellow belter na babae matapos itong ipa-sparring ng kanyang coach sa isang lalaki na mas mataas sa kanya at black belter sa taekwondo.
Sabi ni Tulfo, layunin ng pagdinig ng Kamara na ma-review at ma- evaluate ang mga existing regulations, practices, and standards sa mga Taekwondo community.
Binanggit ni Tulfo na nais ding mabusisi ni Romualdez kung sino ba ang mga nagbabantay at tumitingin sa mga training sessions, hindi lamang sa Taekwondo kundi maging sa ibang sports tulad ng basketball, swimming, football, tennis, at iba pa.