Manila, Philippines – Maaliwalas na panahon ang aasahan ngayong araw.
Wala namang bagyo o Low Pressure Area na nakakaapekto sa bansa, maliban sa epekto ng Easterlies o mainit na hangin mula sa Pacific Ocean na magdadala ng mga isolated na pag-ulan.
Sa ngayon ay papahupa na ang Amihan at simula sa kalagitnaan ng Marso ay posibleng opisyal nang ideklara ang panahon ng tag-init.
Samantala, bagama’t hindi pa opisyal na summer season, pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko na mag-ingat sa heat stroke.
Ayon sa DOH – sa panahon ng tag-init, maraming umu-osbong na mga sakit tulad lang ng pagkahilo, mga sakit sa balat tulad ng bungang araw, sunburn, fungal infection, nariyan din ang pigsa, bulutong at mabilis na pagkawala ng tubig sa katawan na mauwi sa heat stroke na nakakamatay kapag hindi maagapan.
Kaya’t payo ng DOH magsuot ng maninipis na damit o magdala ng pananggalang sa init ng panahon at uminom ng maraming tubig.