Matinding trapiko ang idinulot ng kilos-protesta ng supporters ni Taguig City Congressman Arnel Cerafica sa kahabaan ng C5 at McKinley, Taguig City.
Hindi pinalad si Cerafica nitong eleksyon matapos talunin ni Lino Cayetano bilang alkalde ng lungsod. Mahigit 60,000 na boto ang lamang sa kanya ng kalaban.
Pinayuhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga pasaherong papuntang norte na dumaan ng Bayani Road at Kalayaan Avenue para sa mga biyaheng southbound.
MMDA ADVISORY: Please avoid C5 Mckinley Intersection due to rallyist at the area. You may take alternate route if you are going to C5 Northbound take Bayani rd. and from Southbound take Kalayaan Ave. #mmda
— Official MMDA (@MMDA) May 23, 2019
Samantala, naglabas ng saloobin si Cayetano tungkol sa rally. Ayon sa kanya, hindi dapat hinayaan ni Cerafica mangyari ito.
“Imbes na turuan ng tama ang mga supporters niya, isinusubo pa sa kapahamakan. Hindi dapat nagra-rally ng ganitong oras ng gabi, na walang permit at sa gitna ng lansangan.”
Dagdag pa niya, may due process na sinusunod.
“May tamang lugar at paraan para mag-protesta. Mahigit 60,000 votes ang lamang natin sa susunod na kandidato. Pinaka-malaking lamang sa kasaysayan ng lungsod. Akma sa lahat ng survey na ginawa ng mga independent na grupo sa Taguig, naproklama na ng COMELEC ang nanalong grupo, nagsalita pa ang pamunuan ng PDP (partido niya) na walang anomalya sa election, ngunit kung gusto ni Mr. Cerafica mag-protesta, karapatan niya iyon, may paraan sa ilalim ng batas para dito, alam nya dapat ito, 9 years siya sa Kongreso.”
Pinayuhan niya rin ang mga nagproprotesta na umuwi nalang at magpahinga sa kani-kanilang mga bahay.
“Sa mga kababayan ko nagra-rally sa lansangan, umuwi na po tayo, mag-file ng protesta kung yan ang paniniwala nyo. Sa mga kababayan ko na naipit sa traffic, nasa jeep, auto, bus, naglalakad dahil walang masakyan, ako na po ang humihingi ng pasensiya, pati sa inyong mga pamilyang nag-aantay sa inyo.”
Ngunit tugon ng isang tagahanga ni Cerafica, walang kinalaman dito ang outgoing congressman. Huwag rin isisi sa kanila ang traffic sa C5 dahil matagal nang problema ito.
Gayunpaman, humingi pa din sila ng paumanhin sa perwisiyong idinulot ng rally kagabi.
Nananawagan sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng manual count sa kanilang siyudad.
Sa mga oras na ito, hindi pa naglalabas ng reaksyon si Cerafica.