Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Carlo Ablan, kanyang sinabi na nagbabase ang kanilang ginagawang pagpapakawala ng tubig sa kung gaano katagal ang pag-uulan at ng binabantayang Low Pressure Area (LPA). Bukod dito, nakadepende rin aniya ang kanilang pagpapakawala ng tubig sa inflow ng Magat dam.
Una nang binuksan ang isang gate ng Magat Dam bandang alas dos ng hapon kahapon noong linggo, August 7, 2022 kung saan nasa 176 cubic meter per second ang pinakawalang tubig at elevation na 188.71 meters above sea level para mapanatili ang ligtas na lebel ng tubig sa Magat Dam.
Kaugnay nito ay wala naman aniya silang natanggap na ulat mula sa mga residente na sakop ng NIA-MARIIS na nakaranas ng pagbaha sa kani-kanilang lugar subalit oobserbahan pa rin ang kalagayan ng panahon hanggang ngayong araw, August 9, 2022.
Inaasahan naman na makakaranas pa rin ng pag-uulan sa Magat watershed bunsod ng nararanasang LPA at southwest monsoon.
Paalala naman sa mga nakatira malapit sa ilog na iwasan ang pagtawid at pamamalagi lalo na sa pampang para makaiwas sa kapahamakan dahil inaasahan aniya na anumang oras ay posibleng tataas ang lebel ng tubig.