Tagas ng langis sa MT Princess Empress, nagpapatuloy pa rin

Patuloy pa ang pagtagas ng langis mula sa lumubog na MT Princess Empress sa karagatan ng Oriental Mindoro.

Ito ang pahayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagdinig kahapon sa Senado kung saan pinangangambahan na posibleng kumalat ang tumagas na langis sa mga susunod na dalawang linggo kung hindi ito maampat sa lalong madaling panahon.

Sa pagdinig, sinabi ni DENR Secretary Maria Antonio Yulo-Loyzaga na ang unang tumagas ay ang langis ng mismong barko at sa ngayon ay may indikasyon na tumatagas na rin ang industrial fuel na siyang karga ng motor tanker.


Hindi naman matantya sa ngayon kung gaano na karami ang nag-spill o tumagas na langis na kumalat sa karagatan at kung magkano na ang halagang inabot ng pinsala ng nangyaring trahedya.

Sinabi naman ni UP-Marine Science Institute Dr. Cesar Villanoy na posibleng mapunta sa baybayin ng bayan ng Naujan at Pola Oriental Mindoro ang tumagas na langis dahil sa hanging amihan.

Pagkatapos ng panahon ng amihan na inaasahang tatagal hanggang March 19, maaaring itaboy ng easterlies ang alon na may langis patungo sa Verde Island Passage na tahanan naman ng napakaraming marine species at itinuturing na key biodiversity area kaya napakahalaga na mapigilan agad ang pagtagas ng langis sa lumubog na barko.

Facebook Comments