Manila, Philippines – Matapos ituro ni Customs Broker Mark Taguba ang mga opisyal ng BOC na tumatanggap ng “tara” sa mga pumapasok na shipment sa ahensya, hindi naman nito masabi kung sino ang may-ari ng EMT Trading o ng mga containers na may droga na nakalusot sa Customs.
Nagturuan lamang sina Taguba, Customs Broker TeeJay Marcellana at Eirene Tatad sa pagsagot sa tanong ni 1-SAGIP PL Rep. Rodante Marcoleta sa kung sino ang may-ari ng mga containers na nakakalusot sa Customs.
Katwiran nila Taguba at Marcellana, marami silang kliyente na humahawak sa mga ipinapasok na kargamento.
Palusot naman ni Tatad, consignee lamang siya ng EMT Trading at hindi na niya alam kung sino ang nasa likod nito.
Nagtataka naman si Marcoleta na sa kabila ng immunity na ibinigay ng Dangerous Drugs Committee ay hindi ito makapagsalita.
Duda ang kongresista na marami pang itinatago si Taguba.
Babala nito, kung hindi nila sasabihin kung sino ang may-ari ng containers ay sila ang mapaparusahan.
Inamin lang ni Taguba na ang financier sa mga suhol ay isang Kenneth Dong na taga-Las Piñas na nagsilbing middle man sa mga pumapasok na shipments sa BOC.
Pilit namang iginigiit ni Taguba na hindi niya alam na may droga ang container ng EMT trading.
Aniya, May 23 nang magsagawa ng raid sa container na may kontrabando habang May 24 lamang dumating ang kanyang mga containers.
Samantala, iminosyon ni BAYAN Muna Rep. Carlos Zarate na magsagawa ng joint ocular inspection ang Dangerous Drugs Committee at Ways and Means sa lugar na pinagkumpiskahan ng mga bultu-bultong shabu.
Inaprubahan ang mosyon dahil nais makita ng mga kongresista ang estado ng mga nakumpiskang shabu na nasa pangangalaga ngayon ng NBI.