Taguig City, may pinakamababang kaso ng COVID-19 sa buong NCR

Ang Taguig City ang may pinakamababang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa buong National Capital Region (NCR) na mayroon lamang 19 na aktibong kaso sa bawat 100,000 populasyon.

Sa harap ito ng mahigpit na pinaiiral na health protocols ng lungsod para makontrol ang transmission ng COVID-19.

Kabilang dito ang pagtulong ng Taguig Local Government Unit (LGU) sa mga establisyimento na magbukas nang ligtas at responsableng pagsunod sa mga health protocols.


Naniniwala ang lungsod na ang pagpapatupad ng health protocols sa mga commercial area at mga opisina ngayon ang pangunahing lugar na kailangan pagtuunan ng pansin.

Kabilang sa iba pang mga lungsod na may pinakamababang mga aktibong kaso bawat 100,000 population ay ang Muntinlupa (33), Parañaque (33), Caloocan (36), at Las Piñas (37).

Sa kabilang banda, ang average active cases per 100,000 population sa National Capital Region (NCR) ay nasa 68 pa rin batay sa opisyal na datos na inilabas ng bawat Local Government Unit sa Metro Manila.

Sinabi naman ni Mayor Lino Cayetano na ang patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod at ang patuloy na pagtaas ng recoveries ay bunga ng estratehiya ng pamahalaang lokal na Prevent, Detect, Isolate, Treat, at Reintegrate.

Noong Oktubre 13, 2020, nakapagsagawa ng kabuuang 59,302 Polymerase Chain Reaction (PCR) tests o katumbas ng 6.01% ng lokal na population ng Taguig kung saan may 8,136 kumpirmadong kaso, habang nasa 7,893 naman o 97% ang nakarecover sa COVID-19.

Facebook Comments