Nagbabala ang local government unit (LGU) Taguig sa mga residente nito na sumunod sa regulasyon na nag-aatas sa lahat na kumuha ng building permit kapag nagpapatayo o nagpapaayos ng mga bahay o gusali para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Ginawa ng Taguig LGU ang babala matapos na isang minor landslide ang naganap sa Cuasay Road, Barangay Central Signal bandang alas-2 ng hapon kahapon kung saan isang sari-sari store ang nagiba sa pagguho ng lupa.
Sa kabutihang palad, walang seryosong nasaktan o namatay sa naturang insidente.
Ayon sa Taguig LGU mabilis naman ang ginawang pagsaklolo ng kanilang quick response team, engineers, at social workers upang masuri ang pinsala at tiyakin ang kaligtasan ng mga tao sa lugar.
Tinitingnan sanhi ng insidente ang pagbilis na soil erosion dahil sa mga paghuhukay na ginawa ng mga nakatira sa lugar at mga naipong tubig dulot ng mga pag-ulan.
Samantala, idineklara ng pamahalaang lungsod na “Danger Zone” ang nasabing lugar at agarang isinara ito upang wala nang malagay pa sa panganib.
Tinulungan din ilikas ang mga pamilyang nakatira malapit sa landslide area habang patuloy ang imbestigasyon at assessment sa lugar.
Binigyang diin pa ng LGU na kaligtasan at kapakanan ng mga Taguigeño ang kanilang priyoridad kaya pinapaalalahanan ang lahat na magsagawa ng routine check ng mga sira sa kanilang mga bahay o lugar ng trabaho lalo na ngayong tag-ulan.