Isang petition letter ang kumakalat ngayon sa Enlisted Men Barrio (Embo) Barangay sa Makati City kung saan hinihimok ang mga residente na lumagda at nanghihikayat na iakyat ang usapin ng Makati-Taguig territorial dispute sa Kongreso.
Nakapaloob sa sulat na may kapangyarihan umano ang Kongreso na magtakda ng referendum o people’s initiative sa ilalim ng 1987 Constitution kung saan layunin ng petisyon na mangalap ng sapat na pirma para pakinggan ng mga mambabatas.
Walang nakalagay na pangalan kung sino ang namuno sa ipinakakalat na petisyon maliban lamang sa “Mamamayan ng Makati”.
Nakasaad pa dito na ang paghingi ng pagsaklolo sa Kongreso ng mga residente ay magiging “last recourse” matapos na magpalabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema na nagtatakda na ang 10 Embo barangays kabilang ang Bonifacio Global City ay nasa hurisdiksyon ng Taguig City.
Ang lumabas na signature drive ay kabaligtaran sa tunay na sintimyento at sa natanggap ng mga ilang opisyales ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig na liham mula sa mga residente ng Makati na humihiling na bilisan ng lungsod ang gagawing transition.
Tumanggi ang mga opisyales ng Taguig na isapubliko ang pangalan ng grupo ng mga residente sa Makati para na rin sa kanilang proteksyon kung saan sa nasabing liham ay ikinuwento ng ilang residente ang sitwasyon sa kanilang barangay na ang mga hayagang nagpapakita ng kanilang suporta sa Taguig ay sapilitang pinagbibitiw sa trabaho.
Inamin pa ng mga residente na ang sa likod ng mga negatibo at paninira sa Taguig ay mismong mga barangay officials na pawang appointed o nasa hold over position.