Naalarma ang lokal na pamahalaan ng Taguig kaugnay sa ipinalalabas na pagbubukas muli ng territorial dispute sa pagitan ng Makati City kahit pa may pinal na itong desisyon mula Korte Suprema.
Sa isang statement na ipinalabas ng Taguig City LGU, itinuturing na “fake news” ang mga kumakalat na social media na nagsasabing nakausap ni Makati City Mayor Abby Binay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza at Chief Justice Alexander Gesmundo para muling buksan ang kaso ng territorial dispute.
Matatandaan na unang inihayag sa panayam kay Binay noong June 7, 2023 na mayroon daw natanggap na dokumento mula sa Korte Suprema ang Makati City na nagtatakda ng oral argument.
Iginiit ng Taguig LGU na wala itong katotohanan at sa katunayan ay wala silang natatanggap na kautusan hinggil dito.
Ipinunto pa ng Taguig LGU na mismong si Supreme Court Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka ang naglinaw na walang itinatakdang oral arguments hinggil sa terrirotial dispute dahil nagkaroon na ng Entry of Judgement sa kaso.
Paliwanag pa ng lokal na pamahalaan ng Taguig, mahaba ang tinakbo ng kaso at anumang naging desisyon ng korte ay dapat na igalang.
Matatandaan na final and executory ang desisyon sa Makati-Taguig dispute na inilabas ng SC noong September 28, 2022 matapos ibasura ang Motion for Reconsideration ng Makati City kung saan wala nang anumang pleadings, motions, letters o anumang komunikasyon ang tatanggapin na may kaugnayan sa usapin.
Maging ang apela ng Makati na iakyat sa SC en banc ang kaso ay ibinasura din sa kawalan ng merito at ang tangka nitong paghahain ng ikalawang Motion for Reconsideration ay hindi pinapayagan sa rules of procedure.
Nilinaw rin ng Taguig LGU na may kumpiyansa sila sa pamumuno subalit ang ikinababahala nila ay ang negatibong epekto sa isip ng mga residente sa mga pahayag ng Makati City hinggil sa isyu.
Bumuwelta rin ang Taguig LGU sa pahayag ni Binay na hindi kayang ibigay ng lokal na pamahalaan ang mga naibibigay ng lungsod gaya ng Makati sa mga residente nito.