Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, binatikos ng ilang kongresista dahil sa pagiging pasimuno ng “fake news”

Tinawag na desperado at “fake news” ni Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza si dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano matapos na akusahan nito ang kasalukuyang House leadership ng pagharang sa gagawin sanang imbestigasyon kaugnay sa kinasasangkutang katiwalian ng ilang mga kongresista.

Ang pagsisiyasat sana ng Kamara ay patungkol sa alegasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa mga kongresistang sangkot sa korapsyon sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Agad na pinasinungalingan ni Atienza ang akusasyon ni Cayetano na hinarang ng liderato ni Speaker Lord Allan Velasco ang imbestigasyon sana nila Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor at Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado na mga Chairman noon ng Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability.


Ayon kay Atienza, pilit na sinusubukan ni Cayetano na maging ‘relevant’ o mahalaga kahit pa sa punto ng pagkakalat ng pekeng balita.

Giit pa ng kongresista, ang mga claims ni Cayetano ay taliwas sa sinabi ni Defensor noong nakaraang buwan nang batikusin nito si PACC Chief Greco Belgica matapos ianunsyo na kulang-kulang isang dosenang kongresista ang nasa kanilang listahan na sabit sa DPWH corruption issue.

Lumalabas din sa mga naunang pahayag ni Defensor na mukhang wala rin itong planong imbestigahan ang mga kasamahang mambabatas sa katwirang ito ay magiging self-serving sa mga kongresista.

Umapela si Atienza kay Cayetano at sa mga kakampi nito na tigilan na ang paninira sa kasalukuyang liderato dahil hindi rin naman ito ikagaganda ng kanilang imahe.

Facebook Comments