Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, pinatalsik at hindi nagbitiw sa pwesto

Pinatalsik at hindi nag-resign.

Ito ang iginiit ni 1PACMAN Partylist Rep. Mikee Romero sa nangyari kay Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.

Matatandaang kahapon, pagkatapos na ratipikahan sa Kamara ang 186 votes para iluklok na House Speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ay sinabayan din ito ni Cayetano ng kanyang Facebook live kung saan inanunsyo nito na siya ay nagbibitiw na bilang Speaker.


Kinontra ni Romero ang pahayag ni Cayetano dahil bago pa man ito maghain ng kanyang “irrevocable resignation” ay napatalsik na ito sa naunang isinagawang botohan ng mga kongresista sa Celebrity Sports Plaza.

Malinaw aniya sa isinagawang sesyon noong Lunes na may mosyon na ipadeklarang bakante ang posisyon ng House Speaker na sinundan agad ng nominasyon at botohan kay Velasco na maging bagong Speaker ng Mababang Kapulungan.

Matatandaan naman na una sa mga kaalyado ni Velasco na tinanggal sa pwesto bilang Deputy Speaker si Romero.

Samantala, naibalik na muli sa kanyang posisyon ang kaalyado rin ni Velasco na si Quezon Rep. Angelina Tan bilang Chairman ulit ng Committee on Health.

Habang sina AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin at Valenzuela Rep. Eric Martinez na sinibak din sa kanilang Committee Chairmanships ay hindi pa naibabalik sa kanilang mga posisyon.

Facebook Comments