Inatasan na ni Taguig Chief of Police PCol. Robert Baesa ang PCP 6, Special Weapons and Tactics (SWAT) , Explosive Ordinance Division (EOD)/K9 Unit na imbestigahan at magpatupad ng mas mahigpit na seguridad sa lahat ng mga paaralan sa Taguig City kasunod nang nangyaring bomb scare kahapon sa Signal Village School.
Una rito kahapon, Lunes, sa kasagsagan ng flag raising ceremony habang ito ay naka Facebook live may nag-comment na may pangalan na Sophia Smith na papasabugin umano ang paaralan at papatayin ang mga estudyante doon katulad ng nangyari sa bansang Thailand.
Dahil dito agad na kumilos ang mga tauhan ng Taguig Philippine National Police (PNP) at agad na kinansela ang klase ng paaralan ng Taguig Signal.
Napag-alaman na sa ginawang pag-iimbestiga o paneling ng EOD Taguig PNP, walang nakitang bomba sa nasabing paaralan.
Bukod dito, may mga kumakalat pang usap-usapan na mayroon umanong bomba na nakita sa iba pang paaralan sa Taguig City.
Paliwanag pa ni PCol. Baesa, ito umano ay fake news kung saan hanggang sa ngayon ay takot pa ang maraming mag-aaral bagaman may pasok marami sa mga magulang ang hindi pinapapasok ang kanilang mga anak dahil sa takot.
Tiniyak naman ni PCol. Baesa na ligtas sa kapahamakan ang mga paaralan sa Taguig kasunod ng ginawa nilang paghihigpit.
Babala pa ni PCol. Baesa, may mga paraan sa tulong ng Cybercrime Unit ng Southern Police District (SPD) na matukoy ang nasa likod ng bomb scare.