Inihain sa Mababang Kapulungan ang magkahiwalay na resolusyon na kumikilala at pumupuri sa husay at tagumpay ng dalawang batang atleta na sina Pinoy chess wizard Bince Rafael Operiano at Aleia Aielle Aguilar na pinakabatang World Jiu Jitsu Champion.
Sa ilalim ng House Resolution 541 na inihain nina Albay Rep. Joey Salceda at Ang Probinsyano Party-list Representative Alfred delos Santos ay ipinapaabot ang papuri at pagpupugay ng House of Representatives kay Operiano na nakasungkit ng gintong medalya sa 6th Eastern Asia Youth Chess Championship sa Bangkok, Thailand.
Binabanggit din sa resolusyon na mahalaga ang suporta ng pamahalaan para malinang ang potensyal ni Operiano na maging grand master kaya kailangang matukoy ang kailangan pang tulong para sa kanyang pagsasanay.
Naghain din ng kahalintulad na House Resolution #542 sina AKO Bicol Party-list Representatives Elizaldy Co at Jill Bongalon.
Naghain naman ng resolusyon sina Bulacan 6th District Rep. Slavador Pleyto at TGP Party-list Representative Jose “Bong” Teves Jr., na bumabati sa galing ng 5-taong gulang na si Aguilar.
Si Aguilar ang pinakabatang World Jiu Jitsu Champion matapos na masungkit niya ang gold medal sa kids 1-Under 16kg category sa 2022 Abu Dhabi World Jiu-Jitsu Championships.