Ipinamimigay na rin ang taho at mga pagkain ng aso at pusa sa isang community pantry na itinayo sa kahabaan ng kalayaan sa bahagi ng Barangay Cembo sa lungsod ng Makati.
Ayon sa mga nangangasiwa ng nasabing community pantry, isinama nila ang taho upang magbigay ng almusal para sa mga kukuha.
Habang ang cat at dog food naman ay para sa mga pusa at asong gala o sa may mga alagang pusa at aso na wala ng pambili para sa kanilang pagkain.
Ipinamimigay rin ang iba’t ibang klase ng gulay, tuyo, at canned goods na nakabalot na upang matiyak na walang kukuha ng sobra.
Mayroon ding oras sa pagbubukas ng nasabing community pantry, sa umaga bukas ito mula alas-9:00 hanggang alas-10:00 ng umaga at mula alas-4:00 hanggang alas-5:00 naman sa hapon.
May mga barangay tanod na nagbabantay para mapanatili ang safety at heath protocol laban sa COVID-19 dahil dinarayo na rin ito ng mga residente mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod.
Sinabi rin ng mga taga-pamahala ng nasabing community pantry na doon sa mga nais mag donate ay dalhin lamang sa area kung saan nakatayo ang kanilang community pantry.