Nasagip ng Parañaque City Police ang isang Taiwanese na biktima ng kidnapping at ibinenta sa mga POGO companies.
Sa ulat, nagpadala ng reklamo ang Taipei Economic and Cultural Office (TECO) police attachè ng Taiwan Embassy sa Philippine National Police (PNP) kung saan isang Taiwanese national ang dinukot nitong Lunes sa Makati City.
Natagpuan ang kinaroroonan ng biktima sa 28th floor ng isang gusali sa Parañaque City, matapos na makipag-ugnayan ang biktima sa pamamagitan ng text message.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nag-apply ang Taiwanese sa isang social media platform na pinapatakbo ng isang Chinese company noong February 26 kung saan nagkasundo na 13,000 RMB o katumbas ng mahigit P97,000 ang magiging sweldo nito.
Napag-alaman pa na dalawang beses siyang ibinenta sa magkaibang POGO companies sa halagang 13,000 RMB.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kidnapping at nangyaring bentahan sa Taiwanese national.