Taiwanese national na nahulihan ng sangkaterbang matataas na kalibre ng armas, nais paimbestigahan ng Senado

Pinapaimbestigahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Committee on Public Order na pinamumunuan ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang tungkol sa pagkakahuli sa isang Taiwanese national na nakumpiskahan ng mga matataas na kalibre ng armas sa condo nito sa Makati City nitong March 20.

Sa report, 85 armas ang nasabat ng mga awtoridad sa Taiwanese national na pinaghihinalaang lider ng isang Taiwan-based criminal syndicate kung saan 13 ang rifle, pito ang submachine guns, 65 ang handguns, gayundin ng ammunition at hand accessories.

Sa plenary session ay nagpahayag ng pagkabahala si Zubiri dahil undocumented ang nasabing dayuhan na nakapagtatakang nagkaroon ng access sa maraming matataas na kalibre ng armas dito sa loob ng bansa.


Mahalaga aniyang masiyasat ito ng Senado upang malaman kung ito ay kaso ng gun running, gun for hire o posibleng terrorist cell ang naarestong dayuhan.

Nangako naman agad si Dela Rosa na magkakasa ng imbestigasyon tungkol dito lalo’t hindi malabong isyu ito ng national security.

Facebook Comments