Takot para sa sarili at pamilya, ipinarating ni Cong. Arnie Teves sa liderato ng Kamara

Nakipag-ugnayan na si Negros Oriental 3rd District Representative Arnulfo “Arnie” Teves Jr., kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

 

Ayon kay Romualdez, tumawag sa kaniya kagabi si Teves mula sa hindi matukoy na lugar o bansa at pinabatid na kaya hindi pa ito makauwi sa Pilipinas ay dahil nangangamba ito sa kaligtasan niya at mga miyembro ng kanyang pamilya.

 

Bunsod nito ay tiniyak ni Romualdez kay Teves na bilang lider ng Kamara, ay gagawin niya ang lahat ng paraan para masiguro ang kaligtasan ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan.


 

Sa katunayan ay inatasan na ni Romualdez ang House Sergeant-at-Arms na makipag-ugnayan sa law enforcement agencies at ihanda ang kinakailangang security arrangements sakaling bumalik na sa bansa si Teves.

 

Muli ay iginiit ni Romualdez na kailangang umuwi na at bumalik sa trabaho si Teves dahil ang pananatili nito sa abroad ay hindi na saklaw ng kanyang travel authority na napaso na nitong March 9.

 

Binanggit ni Romualdez na nais nila sa Kongreso na marinig ang panig ni Teves at kung may kaso man ito ay dapat niya itong harapin sa loob ng bansa at hindi sa labas.

Facebook Comments