Hiniling ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na isapubliko ang kumpletong listahan ng mga ruta na inaasahang magkakaroon ng kakapusan sa bilang ng jeepneys simula sa Pebrero 1.
Giit ni Poe, mas dapat na iprayoridad ng mga kaukulang ahensya ang contingency measures upang matiyak na hindi maaapektuhan ang pagbiyahe ng mga commuter sa halip na tutukan ang crackdown ng mga unconsolidated jeepney.
Aniya, araw-araw ay naririnig natin ang pagkabahala ng mga commuter kaugnay sa posibilidad na magkulang na ang mga public utility vehicles (PUVs) at mas mapapagastos ng malaki ang publiko sa alternative mode ng transportasyon na tiyak na masakit sa bulsa.
Iginiit pa ng mambabatas na sa ngayon ay nagsisilbi ring banta sa kabuhayan ng mga drivers na wala pang kooperatiba ang PUV Modernization Program.
Tanong ni Poe kung para saan ang PUV Modernization kung hindi ito maipapatupad nang maayos, at kung ang kapalit ay pahirap sa mga kababayang commuter at sa maliliit na drivers.