
Hiniling ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na panatilihing issue-based ang talakayan sa pagitan ng mga senador.
Sinabi ni Lacson na wala namang problema ang mga mambabatas dahil pawang mga isyu lamang ang kanilang pinag-uusapan at hindi rin problema ang pagsuporta at hindi niya pagsang-ayon sa ilang isyung inilalatag ng mga kasamahan.
Mahalaga aniya ay pinananatili rito ang respeto at nananatiling propesyunal ang talakayan.
Sa kabilang banda, malungkot kapag nagiging personal na ang isyu at aminado rin ang senador na minsan nagkakapikunan din sila kapag salungat ang mga opinyon.
Pagtitiyak naman ni Lacson na pagdating sa trabaho sa Senado ay wala namang epekto ang mga pagtatalong ito.
Inihalimbawa ni Lacson ang pagsuporta niya sa pagsita ni Senator Rodante Marcoleta na may walo pang cabinet members ang hindi pa dumadaan sa confirmation process ng Commission on Appointments (CA) habang kamakailan naman ay binatikos ni Lacson si Marcoleta tungkol sa inilabas ng oposisyon na “minority report” kaugnay sa flood control scandal gayong hindi pa tapos ang imbestigasyon dito ng Blue Ribbon Committee.










