Isinisi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kawalang aksyon ng Information and Communications Technologies (ICTs) ang pagtaas ng bilang ng nagaganap na illegal drug trafficking sa bansa.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Wilkins Villanueva, nalulusutan ang ICTs sa mga nangyayaring internet-based fund transfer service, online-booked courier services at internet messaging applications na patungkol sa transaksyon sa illegal drug trade.
Ani Villanueva, naging katulong ng drug syndicate ang technological boom.
Dagdag pa aniya rito ang labis na kalungkutan na dulot ng pandemya kung saan lumakas global demand sa shabu at iba pang illegal drugs.
Aniya, upang masawata ang lahat ng illegal drug transactions, maging ito ay in-person o online sa pagdeliber ng kontrabando, hiningi ng PDEA ang kooperasyon ng e-commerce companies at courier services.
Nabatid na isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan ng courier service Lalamove Philippines Inc. at Lala App Philippines, Inc., noong November 24, 2020.