Talamak na financial scam, pinapaimbestigahan ng isang senador

Pinapaimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ‘in aid of legislation’ sa Senate Committee on Banks and Financial Institutions ang naglipanang financial scams.

Sa kabila ng ipinatutupad ngayon na mandatory SIM registration ay sumasabay rin ang talamak na fraud at scam na tumatarget sa savings at pension ng mga senior citizens.

Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution 470 para siyasatin ang modus sa SIM registration kung saan magpapadala ang manloloko ng email na nagsasabing ‘restricted’ ang access sa kanilang e-wallet.


Dito ay may link na kunwari ay doon aayusin ng biktima ang problema at kapag na-click ay makukuha na ang personal na impormasyon at maaaring manakawan na ang account holder.

Tinukoy sa resolusyon na nasa digital o nasa internet na rin ang mga paalala tungkol sa financial scams pero marami sa mga nabibiktimang senior citizens ang hindi ito nakikita dahil sa hindi maalam sa paggamit ng internet.

Pinakikilos ng mambabatas ang Senado patungkol dito para masilip kung epektibo at sapat ba ang pagtugon ng pamahalaan at pribadong sektor laban sa financial scam lalo ngayon na karamihan ng transaksyon ay online banking at e-wallet na.

Facebook Comments