
Pinaaaksiyunan ng ilang grupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang talamak pa ring problema ng “kotong” at mga “cashunduan” o kasunduan sa sandaling mahuhuli ang isang driver sa kalsada.
Ayon sa mga transport group na pinangunugnahan ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas o LTOP, ang naturang modus ay araw-araw na sumisira sa marangal na hanapbuhay, kaligtasan at tiwala ng mga commuter.
Ayon sa LTOP, hindi lamang ito problema ng isang lungsod o probinsiya kundi ito’y pambansang suliraning umiigting kapag ang iligal ay napapaboran at ang sumusunod sa batas ay naparurusahan sa kompetisyon.
Halata raw ang lantarant pagdami ng mga walang rehistro, walang lisensiya, walang insurance at walang ano mang dokumento mula sa padyak, tricycle at e-trike, hanggang motorcycle taxi at tricycle na colorum kasama na ang mga TNVS, taxi, multicab, jeepney at lalo na UV Express na iligal ang biyahe pero hindi pa rin tuluyang napipigil.
May ideya umano rito ang mga barangay kapitan, local traffic units, LGU, city mayors, kunicipal mayors, PNP at HPG, LTO traffic enforcers at MMDA, pero ang kulang at hindi pantay na pagpapatupad ng batas bunsod ng sinasabing “cashunduan” sa lahat ng iligal na terminal, ang patuloy na nagpapahirap sa lehitimong sektor.
Dahil dito, humihirit ang grupo ng agarang aksyon at pakikipagpulong kay Pangulong Bongbong Marcos para sa masinop, malinaw at walang kinikilingang pagpapatupad ng batas.
Nais din nilang makialam na rito si Interior Secretary Jonvic Remulla para sa masusing imbestigasyon at matibay na prosekusyon ng mga tiwali.









