Nagsanib pwersa ang Department of Health (DOH), World Health Organization (WHO) at mga medical practitioners para labanan ang talamak na paggamit ng antibiotics na walang tamang preskripsyon mula sa doktor.
Dahil kasi sa naging epekto ng COVID-19 pandemic, naging talamak ang pag-inom ng mga antimicrobial drugs na hindi dumaan sa tamang gabay ng lisensyadong manggagamot.
Sa isinagawang Philippine Antimicrobial Awareness Week 2022, pumirma sa Pledge of Commitment sina Health Officer in Charge at Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mga kinatawan ng WHO at mga doktor at nangakong sama-samang titindig sa Anti-Microbial Resistance.
Nanawagan din si Usec. Vergeire sa lahat ng ahensya ng pamahalaan at sa mga stakeholder na tulungan ang DOH sa kampanya kontra-antimicrobial resistance.
Ito ay dahil sa malaking banta sa kalusugan ang paggamit ng mga antibiotics na walang tamang gabay ng doktor.