Isinulong ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee na maimbestigahan kaagad ng Kamara ang talamak na text spam at mga phishing messages sa bansa upang protektahan ang karapatan ng mga consumer sa privacy at seguridad at maiwasan na makapagdulot pa ng malaking pinsala ang mga scammer.
Sa inihaing House Resolution No. 334, ay binigyang diin ni Lee na kailangang matukoy ng Kongreso, kung epektibo ang mga hakbang laban dito na pinapatupad ng Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC), National Privacy Commission (NPC) at iba pang kinauukulang ahensya.
Ayon kay Lee, target sa pagdinig na timbangin kung sapat na ba ang ginagawa ng mga ahensya ng gobyerno para matigil ang text spam at kung naipapataw ba ang parusa sa mga manloloko.
Binanggit ni Lee na una ng ibinunyag ng NPC ang mga nangyayaring smishing attacks and activities sa bansa ay pinapatakbo ng isang global crime syndicate.
Ayon sa cyber security experts ang mga personal information ng mga subscribers ay kinokolekta sa pamamagitan ng data breaches na ibinibenta sa dark web.
Bunsod nito ay iginiit ni Lee na hindi dapat magpapetiks-petiks ang mga ahensyang dapat nakatutok dito na matagal ng nangyayari, pero walang napapanagot kaya lalong lumakas ang loob ng mga sangkot na patuloy sa paghanap ng paraan para mas marami ang mabiktima.