"Talo ang ating mga Anak, Talo tayong mga Magulang"- Dr. Gumaru

Cauayan City, Isabela- “Talo ang ating mga Anak, Talo tayong mga Magulang”

Ito ang pahayag ni Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru ng Schools Division Office ng Cauayan City dahil sa pagsagot ng mga estudyante ng kanilang mga aralin sa pamamagitan ng module.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Dr. Gumaru, kahit perpekto ang grado ng isang mag-aaral sa pagsagot ng module subalit kung hindi naman binasa ay wala rin aniyang lesson ang matutunan ng bata lalo pa’t ilan umano sa mga magulang ang boluntaryong sinasagutan ang mga module na nakabase sa ‘answer key’ ng isang module.


Aniya, kinakailangang gabayan ng mga magulang ang kani-kanilang mga anak sa pag-aaral at hindi ang paraan ng madaliang pagsagot sa module ng wala man lang matututunan ang mga anak dahil malaking pagkakamali ito sa prinsipyo ng isang magulang.

Samantala, isang paraan naman na ginagawa ng DepEd ang pagsasailalim sa Summative Assessment ng mga mag-aaral upang matukoy kung may natutunan nga ba ang isang mag-aaral mula sa kanyang aralin.

Kabilang rin ang Performance Test kung saan pasasagutan ng guro sa estudyante base sa pinag-aralan at kung maipasa man ito ay patunay lamang na ginawa ng isang mag-aaral ang kanyang lesson.

Inamin rin ng opisyal na hirap din ang ilang mga guro sa kasalukuyang sitwasyon dahil sa pandemya gayundin ang mga mag-aaral.

Umaasa rin ito na anumang araw ay manunumbalik na ang nakagawiang face-to-face classes sa normal na sitwasyon.

Facebook Comments