Talumpati ng Pangulo sa Jolo, posibleng in-edit ng transcribers ng Palasyo ayon kay Panelo

COURTESY: PCOO.GOV.PH

Isinisisi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa transcription team ng Malacañang ang pag-edit sa kontrobersyal na “oligarchy” speech ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Jolo, Sulu.

Ayon kay Panelo, maaaring nahabaan ang transcribers sa talumpati ng Pangulo kaya nagpasya ang mga ito na putulin ang ilang pahayag na hindi iniisip ang kahalagahan nito.

Sang-ayon din si Panelo sa pahayag ni Pangulong Duterte laban sa ABS-CBN, kung saan nabiktima ang Pangulo ng “estafa” nang hindi i-ere ng network ang binayarang campaign advertisement nito noong 2016 elections.


Iginiit din ni Panelo na hindi dapat isisi o magalit ang mga manggagawa ng ABS-CBN sa gobyerno sa hindi pagpasa ng kanilang prangkisa.

Naniniwala si Panelo na hindi lahat ng manggagawa ng ABS-CBN ang mawawalan ng trabaho lalo na at maaari pa ring i-ere sa ibang platforms ang news at entertainment programs.

Tiwala rin si Panelo na ang ABS-CBN, sa ilalim ng liderato ni Carlo Katigbak ay maaalagaan ang mga manggagawa nito.

Gayumpaman, handa ang pamahalaan na magbigay ng tulong sa mga empleyadong mawawalan ng trabaho.

Matatandaang ipinagmalaki ni Pangulong Duterte na nabuwag niya ang oligarkiya sa bansa na hindi nagdedeklara ng Martial Law.

Facebook Comments