Tama at balanseng pag-uulat ng krimen, ipinanawagan ng liderato ng PNP

Binigyang-diin ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang kahalagahan ng tama at balanseng pag-uulat ng krimen upang maiwasan ang maling pananaw ng publiko hinggil sa seguridad ng bansa.

Ayon kay Gen. Marbil, bagama’t bumaba ng 26.76% ang crime rate mula January 2025, nananatili pa rin ang pangamba ng publiko.

Isa sa mga dahilan na tinukoy ni Marbil ay ang mabilis na malawakang pagkalat ng crime-related content sa social media at iba pang platforms.


Upang masugpo ito, inatasan ni Marbil ang mga pulis na makipag-ugnayan sa mga komunidad at ibahagi rin ang mga positibong balita tulad ng matagumpay na operasyon at programa sa seguridad, kasabay ng mga ulat ng krimen.

Bagama’t kinikilala ng PNP ang mahalagang papel ng media sa pagbibigay ng impormasyon, hinimok nito ang mga mamamahayag at online platforms na tiyakin ang tamang konteksto sa crime reporting.

Ani Marbil, dapat ipakita hindi lamang ang mga hamon kundi pati na rin ang mga pagsisikap at tagumpay ng PNP sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa bansa.

Facebook Comments