Manila, Philippines — Hinimok ni House Appropriations Committee Chairperson Rep. Karlo Nograles ang Department of Trade and Industry (DTI) na parusahan ang mga negosyanteng nangaabuso sa presyo ng bigas.
Ang reaksyon ay kasunod ng pag-apruba ng konseho ng Zamboanga City ng resolusyon na humihikayat sa lokal na pamahalaan ng nasabing siyudad na ilagay sa State of Calamity ang lungsod dahil sa lubhang pagtaas sa presyo ng bigas.
Nagbanta si Nograles, pagmumultahin ng hanggang isang milyong piso ang mga negosyanteng mapapatunayan na nagmamanipula sa presyo at sobra-sobrang nagpapatubo sa mga mamimiling probinsyano.
Nagbabala din ang kongresista na maliban sa bigas, maaari ding samantalahin ng magugulang na negosyante ang krisis upang pati ang presyo ng iba pang pangunahing bilihin ay manipulahin at ituro ang TRAIN law, maging ang sama ng panahon, sa kanilang mapang-abusong gawain.
Nababahala ang kongresista na mangyari din sa ibang lugar sa bansa ang pangaabuso ng mga negosyante sa presyo ng bigas.