Tama ng bala sa katawan ng gunman sa RWM incident, napag-alamang iisa lamang

Manila, Philippines – Sa nagpapatuloy na pagdinig ng Kamara kaugnay sa Resorts World Manila Incident, napag-alaman na isang bala lamang ang tama sa katawan ng gunman na si Jessie Carlos.

Ayon sa Crime Laboratory Official Supt. Voltaire, nagbaril sa sarili si Carlos na tumama sa ngala-ngala at tumagos sa bunbunan nito.

Nang magbaril sa sarili din si Carlos hinihinalang ito ay nakaluhod o nakaupo ang posisyon.


Pero taliwas ang pahayag na ito sa naunang statement ng PNP na bukod sa nagbaril sa sarili ay may tama din sa binti si Carlos dahilan kaya paika-ika ito batay na rin sa nakuhang CCTV footage sa fire exit.

Isinasantabi naman ng NCRPO na inside job o may kasama si Carlos ng gawin nito ang krimen.

Dagdag dito, nang pumasok din si Carlos at dumaan sa metal detector ito ay nakasuot na rin ng bonnet saka pinagbababaril ang paligid ng casino.

Aminado din ang Resorts World na wala nang nakapag-abiso sa guests at employees kahit may CCTV at makikita ang ginagawa ng suspek dahil nagsitakbuhan na rin ang mga nasa CCTV control room.

Hindi na rin gumagana ang CCTV pagsapit ng 12:33 ng madaling araw ilang minuto matapos ang pag-atake dahil balot na ng usok ang bahagi ng 2nd floor ng casino.

Dahil dito, kinakitaan ni PAGCOR Chairman Andrea Domingo na may pagkukulang sa seguridad sa loob ng Casino.

Ilan sa mga ito ang kakulangan sa mga nakaposteng security guards, ang ilang security personnel ay wala ring baril, at hindi sumunod ang resorts world sa advisory ng PAGCOR na magdagdag ng precautionary measures kasunod ng pag-atake sa Marawi City.
DZXL558

Facebook Comments