Upang higit na mapalakas ang tiwala ng publiko at maipakita ang mataas na antas ng propesyonalismo sa hanay ng kapulisan, nagsagawa ang Pangasinan Police Provincial Office ng “Tamang Bihis” spot inspection sa mga personnel ng Provincial Headquarters (PHQ) sa Camp Gov. Antonio U. Sison.
Sa pangunguna ng Provincial Director na si PCOL Arbel C. Mercullo, at sa pamamahala ni PCPT Renan A. Dela Cruz, Deputy Chief ng Provincial Administrative Resources and Management Unit, sinuri sa aktibidad ang kaayusan ng uniporme, personal na kaanyuan, at pagiging handa ng mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Layunin ng inspeksyon na matiyak na ang bawat miyembro ng PHQ ay sumusunod sa pamantayan ng Philippine National Police, lalo na sa aspeto ng disiplina at presentasyon, na mahalagang salik sa paghubog ng positibong imahe ng kapulisan sa komunidad.
Ang mga personnel na may natukoy na kakulangan ay agad na pinayuhang itama ang mga ito alinsunod sa umiiral na regulasyon ng PNP.
Binigyang-diin ng pamunuan ng Pangasinan PNP na ang maayos na kaanyuan at disiplina ng mga pulis ay repleksyon ng kahandaan ng organisasyon sa pagbibigay ng episyente at maaasahang serbisyo publiko.









