Kalayaan at karapatan sa pamimili para sa sariling kalusugan, ngunit may tamang paggabay at sapat na kaalaman sa publiko, ang paiiralin ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang pamumuno.
Ito ang paninindigan ni Lacson sa isyu ng mga indibidwal na tumatangging magpaturok ng bakuna kontra coronavirus disease (COVID-19). Aniya, nararapat lamang na gawin itong boluntaryo at hindi pilitin ang publiko bilang pagkilala sa kanilang kalayaan at karapatang-pantao.
Muling inihayag ni Lacson ang pananaw niyang ito nang dumulog sa kanya ang isang ina sa Santa Barbara, Iloilo nitong Miyerkules (Abril 20), at humingi ng tulong makaraang makaranas umano siya ng hindi patas na pagtrato dahil sa pagiging hindi bakunado.
“Unang-una, ‘yung vaccination hindi pwedeng mandatory. Hindi ‘yan pwedeng ipilit… Individual choice natin, individual right, kung gusto natin o hindi. Kaya lang, siyempre, alalahanin din naman natin ‘yung iba,” sabi ni Lacson sa ina na si ‘Josie’ na mula sa bayan ng Pavia.
“Kasi kung nagkataon at ikaw ay tamaan ng COVID-[19]—Omicron man, Delta man o subvariant ng Omicron—ay alalahanin din naman natin (na baka mahawa) ‘yung ating mga kapitbahay, ‘yung ating mga kaibigan,” pahayag ni Lacson sa ginanap na town hall meeting.
Ayon kay Josie, ang mga akto ng diskriminasyon laban sa mga anti-vaxxer o ‘yung mga piniling hindi magpabakuna tulad niya, ay nararanasan din ng kanilang anak na hindi pinahihintulutan na makapasok sa mga paaralan. Hindi siya nagpabakuna dahil sa kanyang pananampalataya.
“Sa eskuwelahan, hindi pinapapasok ang mga anak namin, kung anu-ano ang ginagawa… Kahit humaharap ako sa mga (COVID-19) positive dahil sa pananampalataya ko na walang mangyayari sa akin, ano pa rin ako, malusog pa rin,” wika pa ng ginang.
Kahit gusto umano ni Lacson na lahat ng Pilipinong maaaring bakunahan ay maturukan at mabigyan din ng booster laban sa COVID-19, nirerespeto niya ang mga taong may agam-agam dito. Gayunpaman, itinataguyod pa rin ng presidential candidate ang vaccination drive ng pamahalaan para protektahan ang publiko.
Hinikayat naman ni vice presidential candidate Vicente ‘Tito’ Sotto III si Josie na buksan ang isipan sa pagpapabakuna at ikonsidera ang mga probisyon na nakasaad sa ilalim ng Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.
“Malaking bagay ‘yung pagpapatupad ng batas e. Sabi mo ‘yung (RA) 11525 walang ipin? Pagka hindi tama ang pagpapatupad, talagang walang ipin, pero ‘pag tama ang pagpapatupad (malaking tulong),” sabi ni Sotto kay Josie.