Thursday, January 29, 2026

Tamang gamutan at diagnosis sa mga pasyenteng may lupus, inaasahang matutugunan na ng pamahalaan

Inaasahang matutugunan na ang kakulangan sa tamang gamutan at diagnosis ng lupus matapos makalusot sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang Senate Bill No. 1513.

Sa ilalim ng panukalang batas na pangunahing iniakda ni Senator Mark Villar, itatatag ang isang national health program para labanan ang systemic lupus erythematosus, kabilang ang sapat na pagpopondo para sa pagpapatupad nito.

Ayon kay Villar, malaking tulong ito sa mga pasyenteng may lupus na hindi kayang sumailalim sa mga kinakailangang diagnostic test, dahil sasagutin ng PhilHealth ang gastos para sa early detection at screening programs.

Tiwala naman si Senate Majority Leader Migz Zubiri na tuluyang maisasabatas ang panukala, na magbibigay ng bagong pag-asa sa mga pasyenteng may lupus at kanilang mga pamilya.

Layunin din ng panukala na maiwasan ang misdiagnosis at underdiagnosis upang hindi na maulit ang maling at magastos na gamutan.

Inaatasan ng panukala ang Department of Health (DOH) na magpatupad ng National Program for Lupus Prevention and Treatment na sasaklaw sa information and awareness campaigns, screening, referral services para sa tamang diagnosis, research and development, at pagtatatag ng support networks para sa mga pasyente at kanilang pamilya.

Facebook Comments