Nanawagan si Dr. Ted Esguerra, advisory council member ng International Disaster Response Network sa gobyerno ng dagdag na benepisyo para sa mga rescuer.
Ayon kay Esguerra, kulang na kulang ang mga benepisyong natatanggap ng mga rescuer gayong kabilang sila sa mga maituturing na frontliner tuwing may kalamidad.
Kaugnay nito, umapela siya sa Kongreso na isulong at himaying mabuti ang Magna Carta for Public Disaster Risk Reduction and Management Workers na layong magbigay ng proteksyon at nararapat na kompensasyon sa mga rescuer.
“Sa larangan ng rescuer, wala pa po tayong Magna Carta, kulang na kulang. Naitayo yung DRRM na batas, hindi maganda ang pagkakahimay-himay. Ang magiging mga regis transfer sa mga rescuers natin, karamihan nga across the country, volunteers o yung iba, ang sweldo katulad nung mga traffic enforcer o traffic aid pero sila yung sumasagupa ng mga delikadong gawain,” ani Esguerra sa interview ng RMN Manila.
Bukod dito, hinikayat din ni Esguerra ang Kongreso na maglaan ng pondo para sa pagbili ng mga tamang kagamitan sa mga rescue operation.
“Sabi ko, I can discuss with the Senate and the Congress… I’ll sit down with you, turuan ko kayo ano ang appropriate na gamit sa lahat ng lugar sa Pilipinas. Kasi may tinatawag tayo na hazard focus. Hindi pwede yung firetruck sa Tawi-tawi ay the same firetruck na ibibigay ko sa Makati. Kaya yung ginawa ng DILG, buong firetruck nila pare-pareho, mali yun,”
“Pati yung mga rescue boat, mali-mali rin. ‘Yung mga rubber boat na pinag-o-norder nila, pang-open sea yun. Kailangan ang mga gamit na dadalhin mo sa flood water ay hindi yung mga nade-deflate. Kasi syempre kapag nasa urban area ka, yung mga rubber boat mo babangga yan sa mga sabihin natin, sa mga bob wire na pader o ano dahil baha, nasisira. Yung lubid na gagamitin dapat pang-tubig kasi sa water operation, ang lubid at tubig, magkaaway yan.”
Tiniyak naman ni Esguerra na handa siyang makipagtulungan upang mapaghusay ang disaster response ng pamahalaan.