Muling ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko ang ukol sa tamang pagsusuot ng face mask sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kinakailangang isuot nang maayos ang mga face mask na nakatakip sa ilong at bibig.
Maaari din aniyang gumamit ng mga improvised face mask para sa mga indibidwal na wala naman sa loob ng mga health care facility para magbigay daan na hindi magkulang ang supply ng surgical at N95 masks na ginagamit ng mga medical worker.
Bukod dito, muli ring ipinaalala ng ahensiya ang madalas na paghuhugas ng kamay at ang pagsunod sa physical distancing bilang pag-iingat laban sa pagkahawa ng virus.
Una nang inanunsiyo ng DOH na kinakailangang magsuot ng face mask ang sinumang indibidwal na lalabas ng bahay anumang klase ng quarantine protocol ang umiiral sa kanilang mga lugar.