Patuloy na nagiging hamon sa ilang barangay sa Dagupan City ang tamang segregasyon ng basura sa mga residential area, kasunod ng ulat na marami pa rin ang hindi sumusunod sa itinakdang paghihiwalay ng mga itinatapon.
Sa kabila ng mga programa at paalala ng pamahalaang lokal hinggil sa wastong waste segregation, sinabi ng ilang barangay na nananatiling hamon ang pagsunod ng ilang residente, na nagiging sanhi ng problema sa koleksyon ng basura.
Tulad sa Barangay Bonuan Gueset, inihayag ni Barangay Captain Noel Bumanglag na marami pa rin umanong residente ang hindi nagsasagawa ng tamang segregasyon, bagay na nagpapahirap sa trabaho ng mga nangongolekta ng basura.
Dagdag pa niya, hindi umano nagkukulang ang barangay sa pagbibigay ng abiso at paalala sa mga residente tungkol sa tamang pagtatapon ng basura, lalo na ang paghihiwalay ng recyclable at non-recyclable na maaaring mapakinabangan pa.
Ayon pa sa kapitan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng barangay sa pamahalaang lokal at sa mga residente upang matugunan ang problema sa basura at maiwasan ang pagdami ng tambak na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga residente.
Samantala, inaasahan namang mahahakot ngayong araw ang mga naipong basura upang diretso itong dalhin sa sanitary landfill sa Urdaneta City.










