
Binigyang-diin ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na may tamang panahon at tamang venue para talakayin ang mga dokumento o impormasyong naiwan ni dating DPWH Usec. Maria Catalina Cabral.
Kasunod nito ang hiling ni Lacson na bigyan ng pagkakataon para magluksa ang pamilya ni Cabral na pumanaw noong Huwebes.
Ayon kay Lacson, mula noong siya ay mag-privilege speech tungkol sa anomalya ng flood control projects hanggang sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, lahat ng mga dokumentong nasa kanyang pagiingat ay kanyang tinipon at isinumite sa kinauukulang ahensya.
Dagdag pa ni Lacson, anumang papel na mula kay Usec. Cabral o sa iba pang resouce persons ay kanilang ipinasa agad sa Office of the Ombudsman, Department of Justice at sa iba pang ahensya.
Matatandaang tatlong buwan bago pumanaw si Cabral ay naibigay nito kay Cong. Leandro Leviste ang mga dokumento tungkol sa mga anomalya sa proyekto sa DPWH kung saan may mga pangalan ng ilang senador at kongresista ang nakalista doon.









