TAMBAK NG BASURA SA NATIONAL HIGHWAY SA BASISTA, NILINIS; LGU, NAGBABALA SA MAHUHULING LALABAG

Nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Basista sa mga mahuhuling nagtatapon ng basura sa bahagi ng national highway sa Brgy.Poblacion.

Kamakailan nilinis ng tanggapan ang tambak ng basura sa naturang bahagi malapit sa sentro ng komersyo at mga establisyimento ngunit muling nalagyan ng basura nang dumilim ang paligid.

Saad ng alkalde ng bayan na pairalin dapat ng publiko ang disiplina sa waste management sa mga kabahayan nang hindi tinatapon sa mga kakalsadahan ang kanilang basura.

Ayon sa ilang residente, maaaring hindi umano residente sa bayan ang nagtatapon sa lugar base na rin sa kanilang karanasan kaya mainam umano na magkabit ng CCTV ang lokal na pamahalaan upang mahuli at mapanagot sa ordinansa ang mga nagtatapon doon.

Samantala, isang negosyante mula sa Malasiqui ang naaresto ng awtoridad matapos isumbong dahil sa aktong pagtatapon ng basura sa naturang bahagi bandang ala una ng madaling araw, isang malinaw umanong paglabag sa RA 9003 o Ecological Waste Management Act of 2000.

Kaugnay nito, muling ipinaalala ng tanggapan ang pagbabawal sa pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar para sa kalinisan ng paligid. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments