Tambalang Lacson-Sotto, handa na sa huling dalawang linggo ng pangangampanya bago ang araw ng botohan

Tiniyak nina independent presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson at vice presidential candidate Senate President Tito Sotto na handang-handa na sila sa huling dalawang linggo ng pangangampanya bago ang araw ng botohan sa Mayo 9.

Ayon kay Lacson, kabilang sa mga nakalatag nang plano ang pagbalik at muling pagsasagawa ng aktibidad sa hometown niya sa Cavite at ang pagtatakda ng miting de avance nila sa Maynila.

Binigyang diin naman ni Sotto na ipagpapatuloy pa rin nila ang ginagawa nila ngayon na mga townhall meeting at direktang pakikipagdayalogo sa mga residente at iba’t ibang sektor sa mga binibisita nilang lugar.


Ito ay taliwas aniya sa mga ginagawang rally ng ilan nilang katunggali na napupuno lang ng mga kumakanta, sumasayaw at iba pang klase ng entertainment at hindi na napapakinggan ang tunay na programa at plataporma ng mga kandidato.

Paliwanag pa ni Sotto na patuloy lang sila ni Lacson na makikinig sa boses ng mga tao sa ground at lalatagan sila ng solusyon.

Binigyang diin naman ni Lacson na sa ganitong paraan ay makikita ang tunay na kakayahan at kwalipikasyon nila bilang kandidato.

Facebook Comments