Nais matiyak nina presidential candidate at Senador Panfilo “Ping” Lacson at vice presidential candidate at Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang lahat ng mga nakaimbak na lumang langis sa mga tangke ng oil companies ay nabili sa dating presyo.
Ang pahayag ay ginawa nina Lacson-Sotto tandem makaraang matuklasan na may ilang mga nagsasamantalang negosyante kung saan pati mga nabili sa dating presyo ay ibinibenta sa mataas na presyo.
Pinamo-monitor nina Lacson-Sotto tandem sa Department of Energy (DOE) ang stockpile ng oil companies upang malaman kung bakit sila nagtaas ng presyo, gayong nabili naman nila ito sa dating presyo.
Paliwanag naman ni Sotto, hindi maaalis sa kaisipan ng mga kababayan na baka nagkakalokohan na ang oil companies dahil mayroong mga nakaimbak na lumang langis sa tangke at bakit kapag pinag-uusapan ang pagtaas ng presyo ng langis ay pati ang nabili sa dating presyo ay itataas uli.
Giit pa ni Sotto, dapat ay saka na lamang itataas ang presyo ng langis kapag naubos na ang imbak nito at itaas lang ang presyo kapag nakabili na ng bago.
Dagdag pa nina Lacson-Sotto tandem, dapat bago nangyari ang pagsakop ng Russia sa Ukraine ay ina-awtorisa na nila ang oil companies na mag-stockpile dahil hindi malalaman kung kailan matatapos ang sigalot sa Ukraine.