Tambalang “MarSo” inilutang, maugong ngayon!

Ngayong papalapit na ang eleksyon, maugong na ang mga tambalan mula sa iba’t ibang grupo na nagnanais na isulong ang anila ay “perfect combination” o dili kaya ay “Combo Panalo.”

Ang pinakabago rito ay ang umuugong sa social media ngayon na tambalang MarSo o pinagsamang apelyidong Marcos at Sotto mula sa grupo na kumakatawan sa iba’t ibang sektor.

Si Marcos ay walang iba kundi ang nangungunang presidential candidate na si Bongbong Marcos o BBM at ang Sotto naman ay walang iba kundi ang tumatakbong vice president na si Senate President Tito Sotto.


Si SP Sotto ay pumapangalawa sa lahat ng mga survey kay Davao City Mayor Inday Sara Duterte na siyang opisyal na ka-tandem ni BBM.

Naniniwala ang MarSo na sa kanilang paglutang ay posibleng sumirit pa paitaas ang puwesto nito hanggang sa Mayo 9.

Ang tambalang MarSo ay may kasamang mga slogan pa diumano na nagsasabing “Sa MarSo, MaSa Panalo.”

Kasalukuyan nang viral sa social media ang usap-usapan tungkol sa tambalang MarSo ni UniTeam presidential candidate Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos, Jr. at vice presidential candidate Vicente Sotto lll.

Maliban dito, nagsulputan na rin ang mga lider sektoral na lantarang naglalagay ng poster at nagsusuot ng MarSo t-shirt.

Samantala, si Sotto naman ay mula sa partidong Nationalist People’s Coalition at kasalukuyang kaalyado ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson (Partido Reporma), pero hindi na rin maikakailang marami na ang nagsusulong ng tambalang Marcos-Sotto na suportado naman diumano ng mayoriyang miyembro ng NPC.

Dahil dito, pinaniniwalaang lumalakas ang suporta para sa MarSo hindi lamang sa hanay ng multi-sectoral groups kundi maging sa religious groups.

Si SP Sotto ay kilala sa tawag na “Tito Sen.” Siya ay naging pangulo ng Senado mula 2018 hanggang kasalukuyan, sikat na TV personality ng maalamat na programang “Eat Bulaga” kasama ang kapatid na si Bossing Vic Sotto at sanggang-dikit na si Joey de Leon.

Matapos ang 2016 Elections, ikaapat na termino nang nagsilbi si Sotto bilang senador habang dalawang sunod na termino mula 1992 hanggang 2004.

Bago naging senador, unang nagsilbi si Sotto bilang bise-alkalde ng Lungsod ng Quezon mula 1988 hanggang 1992.

Kasama rin ni Sotto sa partido NPC ang mga senatorial candidates na sina JV Ejercito, Win Gatchalian, Manny Pinol, Chiz Escudero, at Loren Legarda.

Kahit anong pukol ng hindi masikmurang paninira sa kampo ng UniTeam, hindi pa rin natitinag si BBM para manguna sa puwesto sa itaas ng Pulse Asia, SWS, Octa Research at marami pang poll surveys bilang frontrunner para ihalal na bagong pangulo ng bansa pagsapit ng Mayo 9, 2022.

 

Facebook Comments