Maghahain si Senator Sherwin “Win” Gatchalian ng panukalang batas na mag-aamyenda sa konstitusyon upang imandato ang “tandem vote” o magkasamang paghalal sa presidente at katandem nitong bise presidente.
Ayon kay Gatchalian, napapanahon na para gayahin natin ang pinaiiral sa Estados Unidos sa pagboto ng pangulo at ikalawang pangulo.
Paliwanag ni Gatchalian, paraan ito para matiyak na ang maluluklok na dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ay manggagaling sa hanay ng pareho o magkaalyadong partido.
Diin ni Gatchalian, mas maigi na magkapareho ang platapormang sinusulong ng presidente at bise presidente para manatiling buo o solido ang pagpapatakbo ng administrasyon.
Katwiran pa ni Gatchalian, kung magkaalyado sila at sakaling may mangyari sa pangulo ay tiyak na maipagpapatuloy ng ikalawang pangulo ang kaniyang nasimulan.
Iginiit ni Gatchalian na hindi nakakatulong sa atin kung magkaiba ang pananaw ng presidente at bise presidente sa mga polisiyang dapat na itinataguyod ng administrasyon lalo na kung mababahiran ito ng pamumulitika.