Manila, Philippines – Tanggal na sa Ateneo Junior High School ang estudyante sa viral video ng pambu-bully sa kanyang kapwa estudyante.
Sa inilabas na statement ni Ateneo President Jose Ramon Villarin – matapos ang malalimang imbestigasyon at pakikinig sa lahat ng partidong sangkot sa usapin, “dismissal” ang parusang ipinataw ng eskwelahan kay Joaquin Montes.
Ibig sabihin, hindi na siya papayagan pang makabalik sa Ateneo.
Ayon kay Villarin, nakausap niya ang mga magulang ni Montes at ng batang nabiktima ng bullying tungkol sa nasabing desisyon.
Muli rin niyang iginiit na hindi pinapayagan ng Ateneo ang anumang uri ng pambu-bully.
Kaugnay nito, bumuo na rin daw siya ng task force na magsasagawa ng konprehensibong pag-aaral tungkol sa bullying at mga rekomendasyon kung paano magkakaroon ng mas ligtas at “bully-free environment”.